Tuesday, April 8, 2008

Virtual Angas: Oo, alam kong ADIK ako.

Anak ng pichang Depths of Peril 'yan, hanggang ngayon 'di pa rin ako nakakatulog. At ang catch, hanggang sa pagtulog, hindi pa rin ako tinatantanan. One straight week na kasama sa panaginip ko ang mga characters at mga lugar na sa computer ko lang nakikita. Ngayon, dahil medyo marahas ang laro, mabilis akong nagigising. Meaning palagi akong puyat. At ang mas catch pa sa naunang catch, kapag hindi na ako nakakatulog, I'll just find myself playing Depths again. Ganun na ako kalala. Siguro nga yung hero ko sa game ang nagbago ng setting ng body clock ko. Putek!

Sa mga hindi nakakaalam, isang old school na laro sa PC ang Depths, 2006 pa yata nailabas. Parang RPG ang estilo ng laro. Kunwari isa kang warrior/priest/mage/rogue, tapos may mga quest kang dapat magawa para makatanggap ka ng pera, energy at mga gadgets. Tapos bubuo ka ng clan para may magbantay sa life stone (sobrang halaga ng life stone dahil kapag nasira ito, wala ng saysay ang lahat-lahat ng pinaghirapan mo- in short, ulitan na) at may mga kasama ka din para matapos mo ang quests na kinuha mo.

Kahit kailan, hindi ako naging addict (nag-attempt ako noon pero magastos) sa mga on-line RPG kahit sa mga LAN games na role playing ang tema, ngayon lang. Napag-isip tuloy ako...

Eto na nga, siyempre palagi namang may realizations. Share ko lang for more...
Sa totoong buhay na ako, si Gerg, palagi akong umaabot sa punto na marami akong gusto pero hindi ko kayang makuha due to several constraints. Haay... Nakukuha ko kasi virtual world ang gusto ko. Lahat. Although nahihirapan ako at times dahil bumibigat din ang mga kalaban kapag nagle-level-up ka, pero okay lang. Madaling pumili ng sandata. Itapon mo ang hawak mong palakol kung may nakita kang powerful na espada sa daan. Kung may mga trobol, may back-up naman ako palagi: pera, energy, gadgets at mga clan members. Ang assessment ko nga, sobrang tapang ko kapag naglalaro. Sugod lang ng sugod. Kebs lang kahit halos kalahati ang agwat na level ng kalaban, basta fight. Mamatay man ako (at ang clan na nabuo ko), pwede pa namang ulitin.

Pero sa totoong buhay, hindi ko kayang magmatapang. Wala akong guts. Ni hindi ko nga kayang pumili. Takot ako. Parang wala akong gustong isugal. Wala akong gustong bitawang sandata kasi kailangan ko lahat, lalo na ngayon.

Siguro ang tanong mo, ano na ang DAPAT kong gawin?

Wag kang mag-alala, tanong ko din yan sa sarili ko.

Wala pa rin naman akong planong tumigil sa paglalaro. Natatakot kasi akong tumigil.

Malay mo sa next na pagkamatay ng aking level 75-character (75/100), baka sakaling magbago na ang isip ko.

Thursday, January 17, 2008

(KKbaKa)BATA: Komersyalisasyon, Kritika at Kamalayang Pilipino sa Panitikang Pambata

Sa esensya, napakaganda at napakalaki ng gampanin ng panitikang pambata sa paghubog ng lipunang Pilipino. Bukod sa pagiging isang aliwan ng mga mamababasa, magandang tingnan din ang iba pang mga layunin nito gaya ng pagpapalawak sa imahinasyon at pag-iisip, at ang paghimok sa mga bata upang magbasa.

Lagi kong iniisip ang palaging sinasabi ng aming propesor na kung nais mong sakupin ang isang bansa, sakupin mo muna ang mga bata. Isang paglalantad na ang mga itinatanim ng mga kaisipan sa mga bata ay siya nilang dadalhin hanggang sa kanilang pagtanda. Sa ganito ay natatampok ang panitikang pambata (at panitikan sa kabuuan) bilang isang ideyolohikal na aparato ng estado gaya ng sinasabi ni Louis Althusser (year). Kaya naman malaki ang hamon para sa panitikang pambata sa Pilipinas. Paano ito magbabalikwas sa naghaharing Kanluraning kaisipan? Sa gahum? Nagsisilbing ba itong behikulo tungo sa isang maka-Pilipinong kamalayan ng mga mamamayan?

Susubukan kong ipakita sa papel na ito ang ilan sa aking mga obserbasyon hinggil panitikang pambata lalo’t higit sa mga salik na nakahahadlang sa pag-unlad nito.

Ingat ka, bata!

Malalim ang ugat na dapat nating hukayin upang ganap na makamit ang maka-Pilipinong kamalayang ibubunga ng panitikang pambata. Ayon na nga kay Virgilio Almario (2007) sa kanyang talumpating pinamagatang Mga Gampanin para sa Kaunlaran ng Panitikang Pambata na mahaba’t matindi ang kasaysayang kolonyal ng Pilipinas kaya mahirap iwaksi ang moralistikong atake sa panitikang pambata. Ngunit sinabi rin niya na ang layuning moral ay konserbatibo at nakahahadlang sa pagkakaroon ng makabagong pagtanaw sa buhay. Ilan sa mga moralistikong mga kaugalian na karaniwang tinatalakay sa mga aklat pambata ay kung paano magiging mabuting Kristiyano. Nakita ko ito sa aklat na Rosamistica buhat sa Mga Kuwento ni Lola Basyang na muling isinalaysay ni Christine Belen. Nariyan din ang usapin sa gender roles gaya ng sa Papel de Liha ni Ompong Remigio kung saan tahasang ipinanakikita ang hindi mapagpalayang konsepto ng mga tungkulin ng isang babae sa lipunan. Hinuhubog ng ganitong kuwento ang pagpapalawak sa isang piyudal na lipunan na isang malaking hadlang sa pag-unlad ng ating bansa.

Ngunit ganitong mga kuwento pa rin ang laganap sa merkado. Tila mangilan-ngilan lamang ang mga nangangahas na mga manunulat na kumawala sa makalumang pormula ng pagsulat ng mga kuwentong pambata. Bakit nga ba ganito? Dahil ba imbes na ang maging layunin ay makapaglabas ng mga akdang magpapalaya sa kaisipan ng mga bata ay nauuwi na lamang tayo sa pagsulat at paglilimbag ng mga istorya na batay sa makalumang pormula? Dahil ba ito ang tinatangkilik ng mga magulang at mga guro na siyang pumipili ng mga babasahin para sa mga bata? Anong masasabi diyan ng mga tao sa likod ng mga malalaking palimbagan ng mga aklat pambata?

Malinaw na ang panitikan, sa kalakhan, at ang panitikang pambata sa bansa ay profit-oriented. Ang market value ng isang akda ang siyang pangunahing salik para gawin at ilimbag ito bilang isang aklat pambata. Sa bibig na mismo ni Almario nanggaling na ang aklat pambata ay isang negosyo. Kaya naman hindi nakapagtataka kung picture book lamang ang klase ng librong pambata na inililimbag dito sa Pilipinas.


Kawawa ka, bata

Komersiyalisado ang panitikang pambata, sa madaling sabi. Kaalinsabay ito sa market driven na ekonomiya ng Pilipinas na isinusulong ng gobyerno. Ito ay sa kabila ng katotohanang malaking bahagdan ng mga Pilipino ay naghihirap.

Dahil sa kahirapan, karamihan pa sa mga kabataan ngayon ay hindi nakapag-aaral. Hindi katakataka na umabot lamang sa 84.1% ang functional literacy rate ng mga Pilipino noong 2003 ayon sa website ng National Statistical Coordinating Board (NSCB). Kung pagbabatayan ang istatistika ng Department of Education (DepEd), bukod sa 200,000 kabataang hindi kailanman nakatutuntong sa paaralan taun-taon, makikitang 66% lamang ang survival rate sa elementarya. Kung ang pormal na edukasyon pa nga lamang ay hindi pa makayanang pagkagastusan ng karamihan sa mga mahihirap na pamilya, ano pa kaya ang paggastos sa mga aliwan gaya ng mga aklat pambata.

Mabibili ang pinakamurang aklat pambata sa halagang P50-P60 (depende pa ito sa kung sino ang naglimbag). Gayong gustong magkaroon ng mga aklat pambata ang karamihan sa mga mahihirap na bata, hindi nila ito nagagawa dahil sa hirap ng buhay. Kung tutuusin, sapat na ang halaga ng isang aklat upang ipambili ng ng dalawang kilos bigas.

Sa ganito, makikita natin na hindi pa man umuusbong ang popularidad ng panitikang pambata ay bigo na agad itong maarok ang mga pangunahing layunin nito. Ang mga aklat na dapat sanang magpapalawak sa kanilang imahinasyon at kaisipan at sana’y mag-uudyok sa kanila upang magbasa ay sa panaginip na lamang nila makakamtan.


Humayo ka na, bata

Mahalagang magkaroon ng kamalayang Pilipino ang panitikang pambata. Sa sanaysay na Globalisasyon, Kultura at Kamalayang Pilipino ni Napoleon M.Mabaquiao Jr.(2007), nagbigay siya ng apat na pamantayan upang masabi na ang isang isang kamalayan ay Pilipino. Narito ang mga ito: (1) Kung ang isang bagay o pangyayari ay may kinalaman sa bansang Pilipinas o sa mga mamamayang Pilipino; (2) Kung ang mga ito ay nakaugnay sa mga bagay na makatutugon sa pangangailangan ng bansang Pilipinas o ng mga mamamayang Pilipino; (3) Kung ang pagkakaugnay ng mga ito sa isang bagay o pangyayari ay nasa isang pananaw kung saan ginagamit na konsepto ay akma sa kontekstong Pilipino o wikang Filipino; at (4) kung ang pagkakaugnay nito sa isang bagay o pangyayari ay nagaganap sa konteksto ng isang lugar o panahon sa bansang Pilipinas.

Malinaw ang mga binabanggit ng mga pamantayan. Kung ako ang tatanungin, ito ang mga pinakaunang bagay na hinahanap ko sa kuwentong pambata. Kung ganito ang nilalalaman ng mga kuwentong pambata, magtuturo ito upang magkaroon ang mga bata nang konsepto ng pagpapahalaga at kaisipan upang paunlarin ang ating bansa.

Sang-ayon naman ako kay Almario na nangangailangan ng mas matapat na kritisismo ang panitikang pambata. Mahagang pagtuunan ng pansin kung paano iwawaksi ang mga pormulado at limitadong mga kuwento at kung paano mapauunlad pa ang mga ito. Maaatim ito sa pamamagitan ng mas maraming pang-akademikong diskusyon hinggil sa panitikang pambata.
At ang panghuli ay ang pagwawaksi sa komersiyalisadong oryentasyon ng panitikang pambata. Ito marahil ang magiging pinakamahirap sa lahat. Una dahil sa pagtingin sa panitikang pambata bilang negosyo at pangalawa sa isinusulong na kapitalismong pagtingin sa ekonomiya ng Pilipinas. Ito ay nangangailangn ng mahabang panahon ng pakikipagtunggali at mahabang panahon ng pakikibaka sa gahum na bunsod ng imperyalistang kaisipan ng mga Kanluraning bansa at tuta ng mga Kanluraning bansa.

Sa pag-abot sa ganitong mga solusyon ay pihadong sisigla ang panitikang pambata sa Pilipinas. Maaaring mahirap ngunit dapat na nating simulan. Kung walang mangangahas, walang magbabago. Ito ay isang hamon.

Malayo pa ang lalakbayin ng panitikang pambata upang maabot ang tugatog ng kahusayan at kapakinabangan nito. Ngunit sa tamang gabay at kaisipan, maituturing na banagtasin na nga ng panitikang pambata ang direksyon tungo sa kanyang tunay na tagumpay.


Mga Sanggunian:


Almario, Virgilio S. Mga Gampanin Para sa Kaunlaran ng Panitikang Pambata. Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Hulyo 2007

Althusser, Louis.
Essays on Political Ideology

Evasco, Eugene Y. Pagkatha Para sa mga Bata: Mga Suliranin, Hamon at Estratehiya. Unibersidad ng Pilipinas, Diliman

Jimeno,Jaileen F. PCIJ: RP Market for Children’s Books Defies Growth. June 2007

Mabaquiao Jr., Napoleon M. Globalisasyon, Kultura at Kamalayang Pilipino. Maynila: Pamantasang De La Salle. April 2007.


www.nscb.gov.ph